Miyerkules, Disyembre 14, 2016
Kristiyanismo sa Pilipinas
Hindi maikakailang ang Katolisismo ang pinakamalaking impluwensya ng mga Espanyol sa ating mga Pilipino. Sa Asya, tanging Pilipinas lamang ang kinikilalalang Katolikong bansa.
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa panahanan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Espanyol dahil sa pagpapalaganap ng relihiyong Katolisismo. Sa simula, ang mga Pilipino, gaya ng mga Aeta, Negrito, Ifugao, at Igorot ay sumasamba sa kalikasan sa paniniwalang ang kaluluwa ng ating mga ninuno ay nananahan sa bundok, sa dagat, sa kagubatan at iba pa. Ang relihiyong ito ay tinatawag na Animismo.
Naging mahirap para sa mga paring misyonerong maabot ang lahat ng mga Pilipino lalo na’t magkakahiwalay ang mga tirahan ng mga Pilipino noon; may ilang nakatira sa bukirin, bundok, tabing-dagat o sa ibabaw ng puno.
Alam Mo Ba?
Isinagawa ng pamahalaang Espanya ang sistemang reduccion o ang sapilitang paglilipat ng mga Pilipino mula sa malalayong lugar upang pagsama-samahin sa mga pueblo(bayan). Ang pinakasentro nito ay tinawag na kabisera.
Sinadya rin nilang ilapit ang palengke, munisipyo, sementeryo at maging mga paaralan sa simbahan sa kabisera.
Ang mga misyonerong Espanyol at ang relihiyong Katolisismo ay naging pinakamalakas na sandata ng mga Espanyol sa pagsakop sa bansa.
Alam Mo Ba?
Ang mga pangunahing misyonerong dumating sa bansa ay ang mga Agustino (1565), Pransiskano (1577), Heswita (1581), Dominikano (1587) at ang mga Recoletos (1606).
Ang paniniwalang pagano ng mga Pilipino noon ay napalitan ng bagong paniniwalang itinuro ng mga misyonerong Espanyol.
Alam Mo Ba?
Nasasaad sa Papal Bull ni Papa Alexander VI na ang pangunahing layuning patnubay ng monarkiyang Espanyol sa mga ekspedisyon sa labas ng kontinenteng Europa ay ang mapalaganap ang pananampalatang Katoliko.
Ang kahalagahan ng mga sakramentong gaya ng binyag, kasal, pagdalo sa misa, kumpil, pangungumpisal at pagbebendisyon sa mga maysakit at namatay gayundin ang pagnonobena, pagrorosaryo at pagdiriwang ng mga pista ay naging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino. Ilan sa mga kapistahang ipinagdiriwang nating mga Pilipino ay inaabangan din ng mga maraming turista.
Halimbawa:
Piyesta ng Nazareno sa Quiapo, Manila
Ati-Atihan sa Kalibo Aklan
Dinagyang sa Iloilo
Sinulog sa Cebu
Pahiyas sa Lucban
Obando Fertility Rites sa Bulacan
Penafrancia sa Bicol
Moriones sa Marinduque
Gayundin, naging pinakamahalagang araw ang Biyernes Santo para sa mga Katolikong Pilipino. Karamihan sa atin ay nagsasagawa ng pabasa o kaya ng mga panata. Naalala ko mula pagkabata, bahagi na ng aming mahal na araw ang pagbibisita iglesia. Dinarayo namin ang mga iba’t ibang simbahan mula Quezon City hanggang Bulacan. Hindi lamang nito pinatitibay ang aking pananampalataya kundi pinatitibay rin nito ang aking relasyon sa aking pamilya.
Napakalaki ng naging epekto sa buhay ng mga Pilipino ng Katolisismo dahil marami sa paniniwala at kulturang Pilipino noon ang nabago ng paniniwalang ito.
Bagama’t marami ang yumakap sa pananampalatayang ito ay nanatiling tapat naman sa kanilang relihiyon ang mga Pilipinong Muslim sa bahaging Mindanao. Hindi nila pinakinggan ang mga paring misyonero at nanindigan silang walang ibang diyos para sa kanila kundi si Allah. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi nasakop ng mga Espanyol ang bahaging Mindanao.
Ang simbahan ay may malawak na kapangyarihan hindi lamang sa usaping panrelihiyon kundi maging sa mga usaping pampulitika at pangkabuhayan ng bansa.
Dahil dito, maraming pari ang naging abusado sa kanilang mga kapangyarihan. Nagawa nilang magpaaresto ng mga Pilipinong hindi sumusunod sa kanila.
Ipinatapon nila ang ilan sa malalayong lugar at tinawag ang mga itong filibustero o mga taong lumalaban sa pamahalaan.
Alam Mo Ba?
Si Dr. Jose Rizal ay pinaratangang isang filibustero noon kaya siya ay pinarusahan sa pamamagitan ng pagpapatapon (exile) sa Dapitan.
Ito ang naging dahilan ng panunumbalik ng mga Pilipino sa pagsamba sa relihiyong kinagisnan nila. Sa katunayan ay may mga paghihimagsik na panrelihiyon pa ngang ipinaglaban ang mga Pilipino bagama’t walang isa man sa mga ito ang nagtagumpay. Halimbawa nito ay ang pag-aalsa nina Hermano Pule, Tamblot, Dagohoy atbp.
Subalit, sa kasalukuyan ay tinatayang 85% ng populasyon ang Kristiyano. Ikaw, masaya ka ba sa pagiging Kristiyano?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)